Manila, Philippines - Sinigurado naman ng national
government sa mga Pilipino na mananagot ang mga opisyales ng lokal na gobyerno
kung may makikitang irregularidad sa pagsasagawa ng cash assistance program sa
gitna ng COVID-19 crisis.
Binalaan ng puno ng Department of Social Welfare and
Development (DSWD) nitong Lunes ang mga opisyales ng lokal na gobyerno na
sangkot sa anomalya sa pagbibigay ng tulong na salapi. Maari silang masuspende
kung mapatunayang nagkasala.
Sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista sa isang televised
briefing na ang ahensya ay nagtayo ng grievance redress system na kung saan
ang mga Pilipino ay maaaring magsampa ng reklamo laban sa tiwaling local
government officials.
"Ito’y isang mekanismo para sa ating mga kababayan na
sa tingin nila nakakita sila ng anomalya o iregularidad sa pagbibigay ng SAP
(social amelioration program) ay maari nilang idulog ito sa aming grievance
redress system," sabi ni Bautista
sa briefing nitong Lunes.
Ayon pa kay Bautista, tinalakay niya ang nasabing isyu kay
Interior Secretary Eduardo Año at nabanggit sa huli na masususpende ang local
government official na mapatunayang lumabag sa batas.
"Ang sabi niya basta ma-substantiate ang ebidensiya ay
isu-suspende niya kaagad kung sino yung opisyal ng LGU na yun," ayon kay
Bautista.
"Dapat nga masampolan natin yung mga LGU para hindi
gayahin nung mga iba," dagdag pa ni Bautista.
Inamin naman ng DSWD noong Huwebes na nahihirapan umano ang
departamento sa pagbabahagi ng nasabing ayuda na salapi sa mga low income na
pamilya na naghihirap sa pinansyal dahil sa COVID-19 crisis. Sabi pa, nagsimula
ang problema sa lebel ng lokal na gobyerno.
Habang ang DSWD naman ay namuno sa pagbabahagi ng tulong na
salapi, napaka importante naman ang papel na ginagampanan ng lokal na gobyerno
dito.
Naatasan ang mga LGU na tukoyin ang mga kwalipikadong
benepisyaryo at isumete ang database sa national government.
Hinikayat naman ni Bautista ang publiko na magsampa ng
reklamo kung may makita silang tiwaling opisyales upang makaresponde naman agad
ang national government.