Manila,
Philippines – Gagawing donasyon ng awtoridad ang mga naharang nitong mga
medical supply para magamit ng mga health workers sa kabila ng sitwasyon ng
bansa sa COVID-19, ito ang pahayag ng Bureau of Customs (BOC) ngayong lunes.
Ayon kay BOC
spokesperson and assistant commissioner Vincent Maronilla, nakikipag-koordina
na ang nasabing ahensya ng pamahalaan sa Department of Justice (DOJ) at ng
National Bureau of Investigation (NBI) para mapabilis ang proseso ng donasyon
na nakumpiskang mga medical supply. Aniya, sadya itong kailangan ng mga
nagtratrabaho sa front line.
“We’re
finalizing some plans for the Bureau of Customs to assist itong mga na-raid po
ng NBI pati na rin po yung mga na-raid namin last week, mapabilis po agad ang
forfeiture nito para ma-donate na kaagad sa mga frontliners na
nangangailangan.” – pahayag ni Maronilla sa isang public briefing.
“We’re
already coordinating with the Department of Justice and National Bureau of
Investigation,” dagdag pa ni Maronilla.
Ang mga
nasabing medical supply na naharang ng awtoridad ay ibinibenta sa mataas na
halaga sa gitna ng mataas na pangangailangan nito.
Nitong buwan
ng Marso lamang, may mga naiulat na nagbebenta ng face masks at thermal scanner
sa mas mataas na halaga kumpara sa suggested retail price. Ayon sa Malacañang,
maaring maaresto ang sinumang gumawa nito.
Samantala,
pahayag ng BOC na nagpapatuloy ang ahensya sa pagpapabilis ng pag-papalabas ng
mga imported na medical equipment at mga supply para sa pag hahatid sa mga
ospital at sa may mga kailangan.
Sa ngayon,
ang ahensya ay nakapag prosseso na ng 2,865 na shipment ng personal protective
equipment (PPE), at iba pang mga medical supply na magagamit ng mga
frontliners.