Friday, March 20, 2020

SURIIN ANG PAMAMARAAN ng IBANG LGU para sa TRANSPORTASYON: DILG kay SOTTO





MANILA , Philippines – Hinimok ng spokesman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Pasig City Mayor Vico Sotto ngayong Huwebes lamang, March 19, 2020, na alamin ang iba pang pamamaraan ng ibang local government units kung paano nila nasosolusyonan ang problema sa transportasyon.

Naging usapin ng maraming netizens kung bakit hindi pinayagan ang hangarin ni Mayor Vico Sotto na gamitin ang tricycle bilang transportasyon para sa mga health workers at sa mga tao ng Pasig.



Sa isang pagpupulong ng press nito lamang Huwebes, ginawang basehan ni Undersecretary Jonathan Malaya ang ginawa ng Parañaque City kung pano nito natugunan ang pangangailangan sa transportasyon ng mga frontline health workers. Gumamit ang siyudad ng buses ng mga hotels imbis na tricycles.

Ayon naman kay Malaya, kung ito lang naman ay para sa mga health workers, maaring tumingin ang gobyerno ng Pasig sa ibang ginagawa ng lungsod.



"Kung ang purpose po natin ay health workers, sana po tingnan ng lungsod ng Pasig 'yung ginawa ng ibang lungsod... For example po sa Parañaque po, humiram sila ng bus sa Okada at City of Dreams at sa Solaire, 'yung lahat ng bus gumawa sila ng ruta... doon nila pinapasakay ang kanilang health workers." – Malaya.

Giit pa ni Malaya na hindi din pinayagan ang ibang lungsod na gumamit ng tricycle.



"Ang Parañaque ba ay pinayagan ang mga tricycle? Hindi. Sa Quezon City ba pinayagan ang tricycle? Hindi rin. Ang hindi ko po maintindihan, kung nagagawan po ng paraan ng ibang LGU na makagawa ng sistema ng paghahatid ng health workers sa kanilang pupuntahan, bakit hindi magawa ng Pasig?"  - dagdag ni Malaya.

Nitong nakaraan lamang, nakiusap si Sotto sa national government na ibukod ang mga tricycle sa pagbabawal bilang transportasyon pampubliko sa gitna ng enhanced quarantine sa Luzon. Sabi pa ni Sotto na pinayagan nya umano ang mga ito na bumyahe sa kanyang nasasakupan para matulongan ang mga health workers at magamit ng mga pasyente sa ospital ng nasabing lungsod.



Samantala, pahayag ni Malaya na hindi ito maaring payagan ng national government dahil mawawalan ng silbi ang layunin ng Luzon quarantine. Dagdag pa niya, maaring gayahin ito ng iba pang lokal na gobyerno.

"Pasensya na po, Mayor. Hindi po talaga namin kayo puwedeng pabigyan. Kasi po if we allow mass transportation in Pasig, mamaya po magrerequest na ang Valenzuela, ang Cabuyao, magrerequest na po ang lahat..." – Malaya.



Sa karagdagang pahayag ni Malaya, marami naman umanong sasakyan ang Pasig na pwedeng magamit para sa medical personnel.

"I-pullout niyo po 'yung binigay niyong sasakyan sa DepEd, 'yung binigay niyong sasakyan sa OWWA." – wika ni Malaya.

Ayon naman kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, mahirap umanong ipatupad ang social distancing sa mga tricycles.