Saturday, April 11, 2020

Barangay Chairman at Iba pang Opisyales na Nagsagawa ng Ilegal na Sabong, Pinaghahanap na ni Mayor Isko


Manila, Philippines – Bumisita si Manila Mayor Isko Morena nitong Sabado sa Barangay 129 kalapit ng Kalookan City para hanapin ang mga barangay chairman at iba pang opisyales na nagsagawa umano ng ilegal na sabong sa Manila North Cemetery nito lamang Biyernes Santo, kahit na mahigpit na ipinapatupad ang enchanced community quarantine sa lungsod.



Inihinto ang sasakyan ni Mayor Moreno sa harap ng barangay hall kasama ang mga pulis at ilang mga tao upang umapela sa mga suspek na sina Barangay chairman Brix John Reyes, Konsehal Romualdo Reyes, John Cris Domingo, at isa pang lalaki na kilala bilang “Kabron” ng barangay 131 na sumuko.

“Kung meron kayong impormasyon sa inyong chairman, or kamag anak nyo si chairman… sabihan nyo na sila na kusang loob na magpaliwanag sa pamahalaang lungsod ng Maynila,” – Pahayag ni Moreno sa mga resedente ng barangay gamit ang isang megaphone.



Binigyan naman ni Moreno ang mga opisyales ng Barangay ng 48 oras para sumuko.

“Wala kayong patawad maski Semana Santa, Biyernes Santo. Aaraw-arawin ko kayo, mga halal kayo ng bayan, para kayong hangal,” – sinabi ni Moreno sa mga barangay officials na hindi nagpakita nang siya ay bumisita.

Sinabi din ni Moreno na kung sakali man na ang mga suspek ay hindi sumuko, itatrato na sila bilang “regular criminals”.



Ayun pa sa report ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team, ang mga barangay officials ay umiwas sa pag aresto habang isinasagawa ang joint operation sa sementeryo nitong Biyernes.

Tanging sina Christopher Fernandez, 43, at Ronnie Ignacio,31,  ang mga nahuli sa aktong pagsasabong kasama ang mga barangay officials na nahuli.

Bukod kay Moreno, Hinimok din ni Caloocan mayor Oscar Malapitan ang mga sangkot na barangay officials na sumuko sa autoridad.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na kung hindi sumuko ang mga barangay officials, uutosan nya ang mga kapulisan na manguna sa paghuli sa kanila.

“Kung hindi kusang susuko sa pulisya, sinabi ni Mayor Oca na ipag-uutos niya ang manhunt laban sa mga opisyal,” –Sabi nya.