Saturday, April 4, 2020

Philippine Arena ng INC at Iba Pang Iconic Buildings, Gagamiting Pasilidad para sa COVID-19





Sa panahon ng krisis, hindi na gaanong mahalaga kung ano man ang relehiyon na iyong pinanggalingan. Lalo na tayong mga Pilipino na talaga namang napaka relehiyoso at deboto sa ating pananampalataya. Ang kagandahan pa, lahat ng relehiyon sa bansa ay nagtutulong tulong para sa ikabubuti ng mamayang Pilipino.

Ayon sa ulat, nagpahgayag ang Base Conversion and Development Authority (BCDA)noong Biyernes, April 3, na gagawing quarantine facility ng Iglesia ni Cristo (INC) ang napakalaking Philippine Arena para sa mga pasyenteng nag positibo sa coronavirus (COVID-19).


Nagpahayag si BCDA President Vince Dizon sa isang public briefing ng Laging Handa, ng kanyang pasasalamat sa INC dahil sa ginawang kabutihan ng kapatiran.

“Nagpapasalamat tayo sa INC, sa kapatiran, pumayag na po sila, in-offer nilang gamitin ang Philippine Arena para mag-serve sa Bulacan at sa Region 3,” – BCDA President Vince Dizon.
Ang nasabing Philippine Arena ay pinakamalaking indoor arena sa buong mundo na may 99,000 square meters ang sukat ng floor area at may kapasidad itong mauupuan ng mahigit 50,000.

Nauna nang naiulat ng Inter-Agency Task Force for the management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na gagawin ding pasilidad ang Philippine International Convention Center (PICC) at pati na rin ang World Trade Center (WTC) sa Pasay kasama ang Rizal Memorial Sports Complex sa Manila. Ang mga pasilidad na ito ay magsisilbing lugar para dito matuonan ng maayos na pansin ang mga pasyenteng merong COVID-19.

Ang mga nabanggit na tatlong pasilidad ay naiulat na matatapos sa loob lamang ng sampung (10) araw ayon sa pahayag ni Public Works Secretary Mark Villars sa kaparehas ding briefing ng Laging Handa.

Bukod sa tanyag na mga building sa Metro Manila, meron din naman sa FTI sa Taguig, Quezon Institute (QC), Ultra sa Pasig, Filinvest Tent sa Muntinlupa City, Duty Free PH sa Parañaque City, Amoranto Stadium sa QC, Veterans Memorial Complex, at ang bukas na lugar sa Quezon Memorial Circle.

Isa rin sa tinitingnan ngayon para sa pasilidad sa COVID-19 ang New Clark City, Convention Center sa Clark, at ang Athletes’ Village.

“Ginagawa po natin ito para hindi na kumalat itong virus na ito sa ating mga kababayan. Ang mga ospital po natin ay unti-unti ng napupuno, gusto po natin maigilan ang pagdagsa ng mga tao sa ating ospital para po ang ating ospital ma-prioritize ang mga may severe na pangangailangan.” – Dizon.
Dagdag pa sa pahayag ni Dizon, na itong mga pasilidad ng gobyerno ay libre.

“Sinisigurado ng ating gobyerno at private sectors, unang-una libre ang pagkain dito pati sa ating staff. Walang iisipin ang ating kababayan. Airconditioned ang lahat ng ating facilities na itatayo. Ikatlo, free WiFi din po ang ibibigay, nagpapasalamat tayo sa PLDT at Smart.” – Dizon.

Pinasalamatan din ni Dizon ang lahat ng pribadong sector na tumulong sa pag asiste sa paggawa ng pasilidad para sa COVID-19 quarantine.

“Unang-una gusto nating pasalamatan ang Razon Group, Prime BMD at Bloomberry Cultural Foundation, sila ang gumagawa ng Rizal Memorial, wala pong gastos ang gobyerno diyan.”

“Nagpapasalamat din tayo sa EEI at Vista Land, sila ang gumagawa ng PICC sa tulong ng DPWH. Minimal ang gastos ng ating gobyerno diyan. Nagpapasalamat din tayo sa Ayala Land, AC Energey, Makati Development Corp. at ICPP, sila ang nag-ooperate sa World Trade Center.”

“Sa Filinvest, Aboitiz Group, Lina Group of Companies, Meralco nag-offer ng libreng kuryente sa facilities, Smart, PLDT, Globe, DM Consunji at Concepcion Industries dahil nagbibigay sila ng libreng air-conditioning units.”